Kung saan nagsimula ang digmaan kontra-droga

EXKLUSIBO: Kilala ng mga kaanak ng mga natokhang kung sino ang bumaril sa mga anak nila – at nakahanda silang pangalanan siya
By Patricia Evangelista
Photos by Carlo Gabuco

Sa Police Station 2-Moriones sa Tondo, Maynila, unang naiulat na may biktima ng “war on drugs” makaraan ang inagurasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 1, 2016. Sinundan ng Rappler ang ilang kaso ng pagpatay.

Sa 2,555 na mga suspek na napaslang ng pulis sa loob ng 7 buwang digmaan kontra-droga sa buong bansa, hindi bababa sa 45 ang sa PS-2 Moriones. Diumano’y napatay sila dahil nanlaban; 13 sa kanila ang nananatiling walang pangalan sa rekord ng pulisya.

Mahigit 40 katao ang nakapanayam ng Rappler sa 3 buwang pagsisiyasat. Pito sa kanila ang nagbigay ng kanilang mga pangalan para panindigan ang testimonya tungkol sa 4 na insidente ng summary execution. Inakusahan nila ng panliligalig at pagpapahirap ang mga pulis.

Kumalap ang Rappler ng spot reports, testimonya ng mga saksi, at opisyal na pahayag ng mga imbestigador. Iisa ang itinuturo ng mga ito: ang taong kung tawagin ng mga residente ay ang demonyo ng Delpan.

Alam ng mga opisyal ng barangay ang pangalan ng mamamatay-tao.

Alam ng ina ni Rex. Naaalala pa niya ang gabing dumating ang mamamatay-tao para hanapin ang kanyang anak, at ang lakas ng pagkatulak nito sa kanya na muntik nang ikahulog ng kalong niyang apo.

Alam din ng nanay ni Joshua. Alam niya dahil tinutukan siya nito ng baril sa bibig habang sinisikap niyang iligtas ang kanyang anak. Kilala niya ang mamamatay-tao. Sa araw ng libing ng kanyang anak, sumakay siya ng dyip at inihiyaw ang pangalan ng mamamatay-tao habang dumaraan sa presinto ng pulis.

Putang ina mo, sigaw niya. Mamamatay-tao ka, pinatay mo ’yung anak ko, walang kalaban-laban.

Alam din ng kapatid ni Mario. Nasaksihan ng mga kaibigan niya ang pagdala at pagbugbog kay Mario sa presinto. Binilang mismo ng kapatid ni Mario ang natamong tama ng bala ng kapatid niya. Pito, sa buong katawan.

Sigurado ang tita ni Danilo. Sabi nga niya, nagpakilala pa ang mamamatay-tao sa kanya.

Hindi raw nakauniporme ang taong pumatay kina Joshua at Rex at Mario at Danilo, maging ang mga armadong kasamahan nito. Nakatitiyak ang mga ina na pulis ang pumatay. Nakasisiguro ang mga kapitbahay na pulis ang pumatay. Nagkakaisa ang mga saksi na pulis ang pumatay.

Walang pag-aalinlangan sa puntong ito. Mismong ang mga pulis ay nagsasabing pulis ang pumatay.

UNANG BAHAGI

‘Papatayin ko talaga kayo’

Noong Hunyo 30, 2016, ilang oras matapos makapanumpa ang ika-16 na presidente ng Republika ng Pilipinas, nagtungo siya sa Delpan Sports Complex sa may Road 10 sa Tondo, Maynila. Ipaaalam niya sa taumbayan na nalalapit ang kanyang digmaan.

Ako po’y nakikiusap, huwag ho kayong pumasok diyan kasi papatayin ko talaga kayo,” babala ni Presidente Rodrigo Duterte sa mga naninirahan sa Isla Puting Bato. Hindi man siguro ngayong gabi, hindi man siguro bukas, pero sa 6 na taon, may isang araw ka talaga, magkamali ka at hihiritan kita.”

Ang Delpan ay nasa dulo ng Tondo, na may populasyong 630,363, isa sa mga pinakamahirap na lugar kung saan halos magkapatong-patong ang mga barong-barong, kahanay ng mga katayan at mga simbahan. Nagkalat sa gym ang mga plastik na mesang tinakpan ng puting mantel. Hapunan ng pagkakaisa ang tawag ng mga tauhan ni Duterte sa okasyong ito.

Nahuli si Presidente Duterte dahil sa unang pulong ng kanyang Gabinete. Pagdating niya sa Delpan, ang kanyang barong ay napalitan na ng polo at asul na jacket na nakarolyo ang mga manggas. Tumakbo siyang presidente, sabi niya, sapagkat nakikita niyang nalulunod ang Pilipinas sa droga, kriminalidad, at kahirapan.

“’Yung mga adik ho diyan,” sabi niya, “kayo na lang ho ang pumatay. Kung anak niya, ikaw ang pumatay. Kung anak niyang adik, kayo ang pumatay para hindi masyadong masakit.”

Unahan na lang silang patayin, sabi niya, dahil mamamatay rin sila.

“Kaya kayong mga droga, tapos na ako nag-warning no’ng eleksyon,” sabi niya. “Kung ano’ng mangyari sa inyo – makinig kayong lahat, baka kapatid mo ’yan, asawa mo, kaibigan mo, anak mo – ipapasabi ko na sa inyo, walang sisihan. Sinabi ko na sa inyong huminto kayo. Ngayon, ’pag may mangyari ho sa kanila, ginusto nila ’yan. Ginusto nila.”

Natupad ang pangako ng Pangulo. Alas tres ng madaling araw ng Hulyo 1, ilang oras lamang pagkatapos ng kanyang talumpati, naganap sa kahabaan ng IBP Road, malapit sa kanto ng Road 10 at ng Delpan Sports Complex, ang pinakaunang ulat ng extrajudicial killing ng bagong rehimen.

Ang paraan ng pagkamatay ng biktima ay mauulit pa sa iba sa susunod na 7 buwan. Nakatala sa blotter bilang 1675 na may natagpuang bangkay ng lalaking umano’y biktima ng summary execution. Iniwang may nakapatong na karton sa katawan ng hindi nakilalang biktima, may edad na 25-30 taong gulang, mga 5’3” ang taas. May nakasulat: “I am a Chinese Drug Lord.”

Ang mga rumespondeng opisyal ay taga-Delpan Police Community Precinct (Delpan PCP), isa sa 4 na presinto sa ilalim ng Manila Police Station-2 Moriones (PS-2).

Sa sumunod na dalawang linggo, hindi bababa sa 3 pang pagpaslang na may kinalaman sa droga ang isinagawa ng hindi nakikilalang mga tao sa nasasakupan ng PS-2. Tinawag silang deaths under investigation, o DUI.

Nagsimula na ang pagpatay ng mga pulis.

IKA-2 BAHAGI

‘Good job’

Jimmy Walker

Nakuha ni Jimmy Walker ang kanyang apelyido sa lolo niyang Amerikano. Mahigit 20 anyos lamang siya, bungi, mahiyain, kinulayang blonde ang buhok at tumutusok sa maluwag na puting damit ang matutulis niyang siko at buto.

Napakalapit niya sa pinsang si Joshua Cumilang, na kilala bilang “Wawa.” Sumisinghot ng solvent si Joshua paminsan-minsan. Si Jimmy naman, dahil sa masama ang baga, ay hindi sumubok. Para silang tunay na magkapatid, kahit na si Jimmy ay laging tampulan ng panunukso ni Joshua. “Jimmy, bungi!” pang-aasar ni Joshua. Si Joshua ang nagpapahiram kay Jimmy ng mga damit, ang nagpapakain kay Jimmy kapag kahit isang tasang kanin ay hindi makabili.

Nakatira ang mga Cumilang sa Isla Puting Bato, isang maalinsangang hanay ng nagsisiksikang barong-barong sa tabi ng Manila North Harbor. Nagsabit sa ere ang makakapal na kawad ng kuryente, na minsan ay napakababa na kailangan nilang bumaluktot para lang makaraan. Nagmimistulang talipapa ang mga eskinita – bawang na ibinebentang pakyawan, sigarilyong binibili nang tingi, pinulbos na oreo shake sa tabi ng ibinebentang isaw at barbecue. Naniningkad ang mga kulay – ubeng pinto dito, dilaw na trapal doon, mga pangalan ng residente na nakapintura sa haba ng mga dingding.

Isang Biyernes ng hapon, nakaupo sa isang nakausling bato sa gilid ng kalsada sina Jimmy, Joshua, at dalawang kabataang lalaki. Nasa likuran nila ang barong-barong ng Cumilang, na may ilang batuhang hagdan. Isang buwan ito bago mag-Pasko. Nagbibilang si Joshua ng perang naipon niya para sa parating na selebrasyon.

Biglang naglitawan ang mga armadong lalaki. Nakasibilyan silang lahat. Kilala sila ni Jimmy dahil sa pag-iikot nila sa Isla Puting Bato. “Ang pumapatay po dito ’yung mga naka-civilian po.”

Kilala ni Jimmy ang isa sa pangalang Alvarez.

“Dito sa lugar po namin, sa mga k’wento-k’wento nila, ’yung Alvarez na ’yan, mag-iingat kayo d’yan,” sabi ni Jimmy. “Mamamatay-tao talaga po ’yan.”

Nang araw na iyon, sabi ni Jimmy, may kapartner si Alvarez, isang may kabataang lalaki na sinasanay ni Alvarez. Hindi alam ng mga tao kung magkamag-anak sila. Ang bansag nila sa kanya, “’yung isa pang Alvarez.”

Sinimulang kapkapan ng mga armado si Joshua. Nakita nila ang pera sa medyas niya, kinuha at ibinulsa. Inakusahang gumagamit ng marijuana ang 4 na kabataan – “Hindi po, hindi po talaga” – at pinatayo sila habang nakapatong ang kanilang mga kamay sa tuktok ng kanilang mga ulo. Dinala ng dalawa sa mga armado si Joshua pababa ng hagdanan papunta sa maikling eskinita sa tabi ng bahay.

Napalabas mula sa kanilang barong-barong si Nenita, ang ina ni Joshua, sabay sugod sa mga armadong may hawak sa kanyang anak. “Sir, anong ginagawa n'yo sir, wag niyo anuhin sir, pakiusap hulihin na lang niyo po.”

Humakbang sa hagdan ang mas batang Alvarez, sabay tutok ng baril kay Joshua. Ayon kay Jimmy, takot na takot ang kanyang pinsan. Nagmamakaawa ito. “Ma, Ma, Ma.”

Hindi na po ako nakapagsalita kasi po natulala na po ako,” sabi ni Jimmy. “Nablangko na po ’yung ano ko, nanginginig na ’yung mga laman ko. Di na po ako nakapag-ano...kasi pagputok pa lang po kay Wawa, tumumba na po kaagad si Wawa.”

Tinutukan ni Alvarez ng baril si Nenita. Napatakbo ang ina. Nagpaputok ang batang Alvarez. Napalingon si Nenita, nakitang nakabulagta ang duguang anak. Siya naman ang napagbuntunan ng batang Alvarez. Hinabol nito si Nenita sa kalye hanggang nakapagtago siya sa loob ng tindahan.

Sa kuwento ni Jimmy, si Alvarez ang sumunod na nagpaputok.

Naglabasan ang mga kapitbahay matapos ang putukan. Napuno ng tao ang kalye. Ang mga taong pumatay kay Joshua Cumilang ay lumakad lamang sa tindahang katabi ng bahay ng mga Cumilang. Ayon sa mga saksi, bumili ang mga armado ng kape at ilang bote ng tubig gamit ang perang nakuha nila kay Joshua.

Narinig ni Jimmy na may kausap sa kanyang cellphone si Alvarez. Tumatawag ito ng backup.

Minuto lamang ang nakalipas, dumating ang unipormadong mga pulis ng Delpan PCP. Ang isa sa mga ito ay huminto sa tapat ni Alvarez.

Tinawag ni Alvarez ang unipormadong lalaki na “Sir.”

“Sir, ano na, wala na si Wawa,” ulat ni Alvarez.

“Good job,” tugon ng nakatatandang lalaki. “Good job.” Kuwento ni Jimmy, itinaas ng lalaking ito ang parehong kamao, sabay thumbs up.

’Pinabuhat ng mga lalaki kay Jimmy ang bangkay ni Joshua sa isang pedicab. Tumakbo si Nenita sa isang eskinita at hinarang ang umaandar na pedicab, sabay sumakay sa loob kung saan nakaupo ang dalawang pulis na bitbit ang katawan ni Joshua. Sabi ng ina, pinagmasdan siya ng mga ito at walang sinabi. Huminto ang pedicab sa isang walang tahimik na kalye. Isa sa mga pulis ang tumutok ng baril sa ulo ni Nenita at itinulak siyang palabas. Biglang may isang batang biglang sumungaw sa pedicab. Iniumang ng isa sa mga pulis ang baril sa bata.

Sabi ni Nenita, inawat ng isa pang pulis ang kasama.

“H’wag,” sabi ng kasamang pulis, “bata ’yan. Kapag napatay mo ’yan sasampahan tayo ng kaso.”

IKA-3 BAHAGI

‘Nanay na, gagahasain nila’

Delpan PCP Commander Rexson Layug

Ang hirap sa droga, pahayag ni Police Chief Inspector Rexson Layug sa Rappler, ay wala itong naiiwang matinong tao.

Si Layug ang commander ng Delpan Police Community Precinct, ang puting gusali sa ilalim ng tulay ng Delpan. Dalawampu’t dalawang taon na siya sa serbisyo. Nasasakupan niya ang kumpol-kumpol na barong-barong sa Isla Puting Bato at kapiraso ng Parola, Tondo.

Kasi ’yung drugs nga minsan, di ba, lola na gagahasain niya,” sabi ni Layug. “Lola niya, nanay niya. Di ba, nakikita ’nyo naman sa mga news, di ba? Kaya niya nagahasa. Minsan napapatay niya ’yung mga anak niya kasi tingin niya demonyo, di ba?”

Lumang mapa ng teritoryo ng PS-2 Moriones

Iyon ang dahilan kung bakit gusto ni Layug ang Project Double Barrel, ang operasyon ng Pangulo sa digmaan laban sa droga. Sa ilalim ng administrasyon ni Duterte, dumami ang bilang ng mga pulis sa ilalim ni Layug na nagsasagawa ng agresibong pagpapatrolya. Mula nang simulan ang digmaan sa droga, nagtakda siya ng oras-oras na patrol sa Isla Puting Bato at sa mga lugar na ayon sa kanya ay magugulong teritoryo.

Isa sa mga patrol na iyon ang nakapatay kay Joshua Cumilang, ayon sa ulat ng Manila Police District (MPD) Homicide Section noong Nobyembre 18, 2016. Ayon sa spot report – ang salaysay ng insidenteng isinusulat ng mga imbestigador na pulis – pumasok ang patrol sa Purok 3 ng Isla Puting Bato, at “may napansing isang grupo ng kalalakihan na may sinusuring transparent plastic sachet at natiyempuhang iniaabot sa isang kasama.” Ayon sa ulat, nagsipagtakbuhan ang kalalakihan nang dumating ang mga pulis.

Sa salaysay ng pulis, isang opisyal, isang PO1 Sherwin Mipa, ang sumunod sa suspek na may hawak ng sachet – si Joshua Cumilang, edad 18, walang asawa, at walang trabaho – nang tumakbo ito papunta sa silong ng isang barong-barong. Sumigaw si Mipa, pinahihinto si Joshua. Umikot nang paharap si Joshua na armado na ng .38 kalibreng baril. Pinutukan daw niya nang dalawang beses ang mga pulis, ngunit hindi nakatama.

Ayon sa report, 3 ulit nagpaputok si Mipa “nang maramdamang nanganganib ang kanyang buhay, at walang ibang magagawa kundi magpaputok din.” Tinamaan niya ang suspek sa sikmura at balikat.

Nakalista rin sa spot report ang mga ebidensyang nakuha, kabilang ang isang .38 na kalibreng Smith & Wesson, .38 snub-nose revolver na walang serial number, at 5 plastic sachets ng pinaghihinalaang methamphetamine hydrochloride – na mas kilala bilang “shabu” o “crystal meth.”

Sa panayam sa Rappler, sinabi ni SPO3 Jonathan Bautista, ang imbestigador ng MPD Homicide, na nakausap niya si Nenita Cumilang. Ayon kay Bautista, ikinuwento ni Nenita sa kanya na hindi nanlaban si Joshua, ngunit hindi na maghaharap pa ng affidavit sa MPD ang ina. Sa kuwento ni Nenita sa Rappler, hindi handang magsampa ng kaso ang pamilya. “Papansinin ba ako, eh kumbaga, maliliit, di naman pinapansin. Eh ’yung malalaki nga na ano, ’binabasura na eh, di ba?” sabi niya. “Kaya di na lang ako kumibo eh.

SPO3 Jonathan Bautista, MPD Homicide Section, imbestigador

“Inasmuch as I can, pinilit ko,” sabi ni Bautista. “Sinabi ko nung tinanong ko ang magulang, ‘Kung meron po kayong testigo, hindi ho nagsasara ang kaso sa ganito. May hustisya pa rin ho.’”

Si Bautista ang sumulat ng spot report, pero inamin niyang may ilang iregularidad sa proseso ng imbestigasyon. Sabi niya, kahit na nakausap niya si PO1 Mipa, ang nakarekord na bumaril, kailangan pa rin na lahat ng pulis na nasasangkot sa anumang insidente ng pagpatay na magharap ng kanya-kanya o pinagsamang affidavit para ipaliwanag ang kanilang bersyon ng pangyayari.

“Ang nakakalungkot po,” sabi ni Bautista, “nung sinabi ko po ’yun, wala po akong nakuha.”

Sinabi ni Bautista na wala ni isa sa mga pulis na nasa eksena, kahit ang umaming pumatay, ang nagharap ng affidavit sa Homicide Division. Napilitan na lamang siyang bumatay sa spot reports na isinulat ng mga imbestigador ng PCP Delpan at PS-2 Moriones.

“To be honest po, continuously, blank wall po kami, para pong nasa limbo kami,” sabi ni Bautista. “Considering na, although meron po nito, may version of the story ang pulis, hinihintay ko po na kung sakasakaling may lulutang at magsasabing maglalakas ang loob na magsalita katulad po ng allegation [ng Rappler], gagawin naman po. Whether kami ay pulis, hindi naman po kami [kumikiling] kung dapat talagang parusahan ang nagkasala. Definitely, we will file charges on them.”

“Cumilang turned around already armed with a .38 caliber revolver.”

- Homicide Spot Report, 18 Nobyembre 2016

Sa kanyang panayam sa Rappler, sinabi ni Precinct Commander Layug na walang pulis-Delpan na nasugatan sa tagal na ng digmaan laban sa droga – maliban sa isa na nadulas at nadapa sa dilim. Sa katunayan, dagdag pa niya, walang mga pulis-Delpan ang nabaril o inatake ng sinumang suspek sa panahon ng pagpapatrol o sa mga operasyon laban sa droga simula nang ilunsad ang digmaan.

Ang sinabi niya ay tuwirang sumasalungat sa pahayag ng mga pulis at sa ulat ng media. Umaabot sa 11 ang madudugong enkuwentrong naganap sa teritoryo ng Delpan, kasama ang engkuwentrong ikinamatay ni Joshua Cumilang.

Isang insidente, nakatala sa police journal ng MPD Homicide, ang nagsalaysay ng pagkamatay ng isang Marvin Samonte, diumano’y pusher ng droga, noong Hulyo 17, 2016. Ayon sa isang ulat, pinatay ng mga miyembro ng Delpan PCP si Samonte sa isang apartment sa Pier Dos, Tondo, matapos manlaban.

Ang mga pulis ay pinamunuan ni Precinct Commander Layug.

Nang tanungin ng Rappler kung mayroon sa unit niya na nasangkot sa anumang engkwentro sa oras ng pagpapatrol, sagot ni Layug ay wala.

“Wala namang nanlalaban.”

IKA-4 BAHAGI

‘Hinanap niya Mama niya’

Nelson Aparri

Nang umaga pagkamatay ng kanyang anak, lumuhod si Nelson Aparri sa sahig ng kanyang sala, bitbit ang isang basahan at timba. Nagsasalita siya habang naglalampaso. Sabi niya, patawad. Hindi man lang daw siya nakakilos. Bahala na raw ang Diyos sa mga pumatay sapagkat wala siyang magagawa. Napayuko siya, isang payat na lalaking mahigit na sa 50 ang edad, dinidiligan ng tubig at luha ang dugo ng kanyang anak.

Tumagal ang paglilinis.

Makaama si Rex. Sang-ayon ang kanyang inang si Rowena. Napakalapit ni Nelson sa anak nilang si Rex. Umungol lamang si Rex para sa kanyang ina noong mamatay na ito, bago ang unang putok ng baril.

“Noong mamamatay na siya,” sabi ni Rowena, “hinanap niya ako.”

Nasa isang maikli at makipot na pasilyo ang bahay kung saan napatay ang 30 taong gulang na si Rex Aparri. Sa sobrang kipot ng daanan, posibleng humakbang ang isang tao mula sa isang pinto at tumapak sa katapat na bahay. Noong Setyembre 13, 2016, makalipas alas-7 ng gabi, kumalat ang balita sa Isla Puting Bato na may parating na mga pulis. Takot si Nelson na targetin ng pulis ang pamilya niya, dahil may mga panahong nauutusan si Rex na maghatid ng droga. Narinig ni Nelson na bawat lalaki sa mga pinapasok na bahay ay napapatay. Sinikap niyang itakas si Rex.

Matigas ang ulo ni Rex. Hindi ako, sabi niya. Hindi ako ang target nila.

Nagpaiwan si Rowena, pati ang kinakasama ni Rex na si Lori Ann at ang kanilang 10 buwang gulang na anak na lalaki.

Limang armadong lalaki na nakabihis-sibilyan ang dumating. Nakaupo si Rowena sa pinakabungad ng pintuan. Tinulak siya ng isa sa mga lalaki. Napatumba siya, habang kalong ang sanggol.

Ang lalaki, ayon kay Rowena, ay kilala sa Isla Puting Bato sa pangalang Alvarez.

Hanap daw nila si Rex, sabi ni Alvarez kay Rowena. Dalawa sa kalalakihan ang nagbantay sa labas, nagpapaalis ng mga kapit-bahay, pinagbabantaan ang isang kabataan na nakadungaw sa bintana. Umakyat si Alvarez at isang kasama patungo sa ikalawang palapag, at naabutan si Rex na nagkukumpuni ng radyo. Ang ikalimang kasamang lalaki ay nanatili sa sala. Pinaupo niya sina Rowena at Lori Ann sa isang sulok. Inutusan sila nito na ilagay ang kanilang mga telepono at pitaka sa ibabaw ng telebisyon. Umabot ng mga kalahating oras, hanggang lumakad ang lalaking nakabantay sa kanila sa silong ng hagdanan. May dala siyang nakatuping pakete – na sa hinala ni Rowena ay droga. Tinawag nito ang mga kasamahan sa itaas.

“Sir, ibaba mo na ’yan, sir, papatayin na natin, positive,” sabi niya.

Nagsimulang maghihiyaw si Rowena – “Sir, wala, sir kahit ano ’yan, sir, pa’no naging positive?”

Ibinaba ni Alvarez at ng kasama nito si Rex. Kapit nang mahigpit si Rex sa hawakan ng hagdan, napapaiyak. “Sir, parang awa mo na, sir, susuko ako, sir, kahit wala akong kasalanan, sir, alang-alang ho sa anak ko.”

Agad na ipinasa ni Rowena ang sanggol kay Rex – “Para mayroon siyang panangga” – at mabilis na niyakap ang kanyang anak. Nagkatulakan ang lahat sa espasyong kasinlaki lamang ng isang banyo. May nabasag na salamin. Isa sa mga lalaki ang pumalo kay Rowena ng baril at sinipa siyang palabas sa pasilyo. Nawalan ng malay si Rowena.

Napasigaw si Lori Ann. Tinulak siya ng isa sa mga armado palabas, pasabunot na inagaw ang sanggol kay Rex, at inihagis ang umiiyak na sanggol kung saan nakaluhod si Lori Ann sa pasilyo. Nasalo niya ang kanyang anak, at nakaluhod na humihingi ng awa sa labas ng nakabukas na pintuan.

Tumakbo siya sa pangalawang putok ng baril. Sinabi niya kay Rowena na binaril ni Alvarez si Rex sa likod ng ulo.

Nakatayo lang si Nelson sa malapit na eskinita. Narinig niya ang unang putok. Patakbo na siyang pauwi, pero hinatak siya pabalik ng mga kapitbahay.

Huwag ka nang pumunta, sabi sa kanya. Papatayin ka rin nila.

Humagulgol si Nelson.

Ang dingding sa harap ng tahanan ng mga Aparri.

Sa labas ng bahay, binarikadahan ng mga unipormadong pulis ang pasilyo. Nagsipulot ng bato ang ilang kabataan, mga kaibigan ni Rex. Pinigilan sila ng kanilang mga ina. Isa sa mga nagbabantay na pulis ang nagsikap na pakalmahin ang mga tao – “H’wag kayo sa ’min magalit,” sabi niya sa isang residente. “Nautusan lang kaming pumunta rito, tapos kami pa masisisi.”

May dalawa pang putok.

Nagtagal bago makabalik ang mga Aparri sa kanilang bahay. Wala na ang dalawang mobile phones at mga pitaka. Nakabulagta si Rex sa sala. Nakaulo siya malapit sa hagdan, at malapit sa harapang pintuan ang kanyang mga paa. Ayon kay Rowena, parang hugis krus ang mga butas ng bala sa katawan ni Rex – isa sa ulo, isa sa pinakababa ng tiyan, at tig-isa sa magkabilang panig ng dibdib.

IKA-5 BAHAGI

‘Usok ng mga putok’

Rowena Aparri

Ang kamatayan ni Rex Aparri ay unang naitala bilang Blotter Entry Number 2265. Isang itong insidente ng barilan, ayon sa spot report na inihanda ng MPD Homicide Division.

Batay sa ulat, napatay ng mga pulis si Rex Bustamante Aparri sa pagsasagawa ng Operasyong Tokhang.

Ang tokhang, na kombinasyon ng salitang Bisayang toktok at hangyo (katok at pakiusap), ang tampok na elemento ng Project Double Barrel ng Pangulong Duterte. Ang operasyong ito, ayon sa paliwanag sa publiko, ay nagtatakda ng pagbisita ng mga pulis sa mga residenteng nakatala sa lokal na listahan na minamanmanan dahil sa droga. Ang mga pinaghihinalaang gumagamit o nagtutulak ng droga ay ginaganyak na isuko ang mga sarili sa mga munisipyo o istasyon ng pulis. Palalagdain sila sa nakahandang dokumento, na nagsasabing kusang sumuko ang nakapirma, at nangangakong magbabago.

Sa kaso ni Rex Aparri, ang operasyon ay nauwi sa pagpatay. Sa kumplikadong lengguwahe ng police spot reports, sinabi ng mga pulis mula sa Delpan PCP na nagsasagawa sila ng Operasyong Tokhang. Kumatok sila sa pinto, sabi nila, at namataan ang suspek. Nagpakilala sila at nilapitan si Rex, na “biglang bumunot ng baril at pinaputukan ang papalapit na mga pulis, pero nagmintis.” Isa sa mga pulis, dahil “nakaramdam na nanganganib ang kanilang buhay,” ay “napilitang lumaban.”

“Nang mapawi na usok ng mga putok,” ayon sa report, “nakitang nakabulagta sa sahig ang suspek, wala nang buhay.”

“After the smoke of gunshots subsided, the suspect was seen lying lifeless on the floor."

- Homicide Spot Report, 14 Setyembre 2016

Apat na selyadong sachet ng pinaghihinalaang shabu ang itinalang ebidensya, kasama ang isang .38 na baril. Wala raw serial number ang baril.

Pahayag ni SPO2 Charles John Duran, ang imbestigador ng kaso, dumating siya sa pinangyarihan ng krimen at napaligiran ng mga tagaroong nagsasabing walang engkuwentrong nangyari.

“Nagsasabi silang hindi nanlaban, hindi nanlaban, pero sinabi ko sa kanila, kung may saksi, sumama sa amin,” kuwento ni Duran. “Ayaw nilang sumama sa amin. Sabi ko sa kanila, magtungo sila sa Homicide kapag me oras. Ayaw naman nila.”

SPO2 Charles John Duran, MPD Homicide Section, imbestigador

Ikinuwento ng mga kapitbahay sa Rappler ang mga sandali matapos mapatay si Rex Aparri. Sa kanilang pagkakaalala, lumabas si Alvarez mula sa bahay ng mga Aparri at nagtungo sa pinakalagusang eskinita kung saan nagtipon ang mga tao. Nasa edad na 40 hanggang 50 raw si Alvarez. Maitim, may katamtamang taas, may nunal sa kanang bahagi ng ilong, at bilugan ang tiyang nakabakat sa puting T-shirt na lagi niyang suot. Nagsimula raw siyang magpatrol noong simula ng digmaan laban sa droga, pero hindi nila matiyak kung ano ang tunay niyang pangalan, o kung nanunungkulan siyang pulis.

Ayon sa mga saksi, itinutok ni Alvarez ang baril niya sa langit, at nagpakawala ng isang huling putok.

“Kung may magtanong, sino ’yung vigilante dito sa Delpan,” sabi niya, “sabihin ’nyo, si Alvarez.”

Ang report na isinulat ni Duran ay batay sa report na ginawa ng Delpan PCP. Walang mga saksing gustong pumirma ng mga affidavit sa MPD. ’Ika niya, “Sa police siyempre, in the absence ng witness, siyempre paniniwalaan mo ’yung sa pulis, kasi meron tayong ano eh, meron tayong regularity in the performance of duty.”

Batay sa report ni Duran, ang taong umako ng pagpatay kay Rex Aparri ay isang baguhang pulis na nagngangalang Edmar Latagan. Kasama niya sa patrol ang 3 pang opisyal ng Delpan PCP, kabilang ang team leader, isang PO3 Ronald Alvarez.

IKA-6 BAHAGI

‘Parang manok na binalian’

Mark Anthony Rupillo

Noong Oktubre 10, isang 28 taong gulang na tricycle driver na nagngangalang Mario Rupillo ang nagtapat sa kaibigan niya na sinusundan siya ng mga pulis. Makalipas ang ilang oras, natagpuan siya sa morge ng isang ospital. Ayon sa pulisya, nakipaglaban siya sa isang engkuwentro.

"Kinuha na namin yung sinabi talaga ng pulis, dahil yun na lang din para pagtakpan yung ginawa nila," sabi ng kapatid ni Mario na si Mark Anthony. “Halos lahat naman gano’n eh, ganyan ang ginagawa.”

Ang mga nakabilanggo sa Delpan PCP ang nagtapat sa pamilya ng Rupillo na nakita nila si Mario sa loob ng presinto. Nakaposas si Mario nang dalhin siya doon ng taong kilala sa pangalang Alvarez, sabi nila.

“Pulis siya,” sabi ng ina ni Mario na si Loreta. “Lagi siyang nakasibilyan.”

Si Mark Anthony Rupillo at ang kanyang inang si Loreta.

Ikinuwento ng mga bilanggo ang pambubugbog kay Mario. Nagkaroon ng interogasyon, sabi nila, pinagpapalo ng baril si Mario, humihiyaw si Mario, ayaw magsalita ni Mario.

Nang huli nilang makita si Mario, may nakasuklob na ng sako ang ulo nito. Hinahatak siyang palabas ni Alvarez, sabi nila, bago isinalya si Mario sa likuran ng naghihintay na tricyle. Ayon sa kanila, hirap nang maglakad si Mario.

Isang babaeng nakapiit din ang nasa loob ng kuwarto habang pinahihirapan si Mario.

Ang tawag nila ay palit-ulo – ang kalakarang garantiyahan ang kaligtasan ng isang suspek kapalit ng pagbibigay ng impormasyon tungkol sa iba. Ayon sa pamilya Rupillo, sa kaso ng babaeng naaresto bago mapatay si Mario, si Mario ang naging kapalit.

Pinalaya ang babae pagkatapos, sabi nila. Tumanggi ang pamilyang pangalanan siya. Ayon sa kanila, ipinagmalaki ng babae sa harap ng maraming tao na si Alvarez ang nasa likod ng pagpatay. Protektado raw siya ni Alvarez.

Ayon sa spot report, nakita ng anti-criminality patrol si Rupillo na nagmamaneho ng pulang SYM na motorsiklo nang walang suot na helmet sa kahabaan ng Gate 14 Delbros ng Parola compound. Pinara si Mario, pero sa halip na huminto, bumunot ito ng baril at pasugod na pinutukan ang mga pulis. Wala siyang natamaan. Isang baguhang pulis, si Marcelino Pedrozo III, ang “walang nagawa kundi ang gumanti ng putok” na tumama sa iba’t ibang bahagi ng katawan ni Rupillo hanggang bumagsak siya kasama ng kanyang motorsiklo, “humahabol ng hininga.”

“...instead of stopping, [Rupillo] pulled out his handgun and fired shots.”

- Homicide Spot Report, 11 Oktubre 2016

Kung paniniwalaan ang salaysay ng pulisya, nagpatakbo ng motorsiklo si Mario Rupillo lampas alas-11 ng gabi nang makatagpo niya ang mga tauhan ng Philippine National Police noong Oktubre 11, 2016. Lumitaw siya, isang lalaking walang helmet, sakay ng isang pulang motorsiklo. Pinahinto siya ng nagpapatrol. Humagibis ng takbo si Mario, habang bumubunot ng kanyang baril. Tumutok, bumaril, hindi nakatama. Bumunot ng baril and isang pulis, nagpaputok, isa, dalawa, pito. Tumama ang mga bala, walang palya ang puntirya: ang dalawa sa kaliwa at kanang balikat, ang apat sa dibdib, at ang huli sa gitna ng bibig.

Nakita ni Mark Anthony ang katawan ng kapatid na si Mario. Sabi niya mistulang nabugbog. May sugat ang parehong buto ng tuhod. Namamaga ang parehong braso. Mistulang nabali ang magkabilang balikat.

“Alam mo ’yung manok na binalian ng buto na lupaypay ’yung pakpak?” tanong ni Mark Anthony. “Ganon kalala.”

Ilang taon ang tanda ni Mark Anthony Rupillo kay Mario. Isang matadero, may kapayatan siya pero maskulado ang mga bisig. Sinasakop ng tato ang mga braso niya, gumagapang pataas sa gilid ng kanyang leeg at pababa hanggang hita. Sa kanyang mahinahong boses, ikinuwento niya ang paniniwala niyang brutal na pinatay ang kanyang kapatid. Nakatuon ang kanyang mga mata sa telenobelang tumatakbo sa lumang telebisyon.

Nakaukit ang pangalan ni Mario Rupillo sa marmol na sisidlan ng kanyang abo. Nakapatong ito sa tuktok na altar.

Ayon kay Mark Anthony, paminsan-minsang gumamit ng droga si Mario. Sa mga pagkakataong may isang darating na may pera, papayag siyang maghatid. Babayaran si Mario sa kaunting halaga kapag naideliber na.

Ayon sa sertipiko ng kamatayan ni Mario, na nilagdaan ng opisyal na medico-legal ng MPD Crime Laboratory, “ilang tama ng bala sa ulo, katawan, at mga braso” ang dahilan ng pagkamatay nito. Sabi ni SPO4 Glenzor Vallejo, ang imbestigador na namahala, hindi niya maalala ang tiyak na bilang ng balang pumatay kay Mario Rupillo. Dagdag niya, wala namang kakaiba sa bilang ng sugat mula sa mga tama ng bala.

“Habang patakas [si Mario Rupillo] nagpapaputok siya doon sa mga pulis,” sabi ni Vallejo. “Ngayon ’yung pulis naman siyempre gumanti. Hindi na iisipin ng pulis kung tatamaan [si Mario] nang marami. Basta nagpalitan ng putok.”

Ayon kay Vallejo, dumating siya sa pinangyarihan ng krimen matapos madala ang bangkay sa ospital. Ang mga saksi niya ay nalimitahan sa mga pulis ng Delpan PCP, at wala siyang nakausap na iba pa na sumalungat sa bersyon ng mga pulis ukol sa pangyayari. Hindi siya naniniwalang binugbog si Mario habang hawak ng mga pulis, o na naging biktima siya ng palit-ulo. Pinanindigan niya ang spot report na isinulat niya, pero sinabing patuloy pa rin ang imbestigasyon. Idinagdag ni Vallejo na hindi sumalungat ang pamilyang Rupillo sa kuwento ng pulis matapos niya silang makausap.

SPO4 Glenzor Vallejo, MPD Homicide Section, imbestigador / Kuha ni Ezra Acayan

Kasama sa nakuhang ebidensya ang pulang SYM Bonus 110 na motorsiklo na may plakang “For Registration” at isang .38 kalibreng baril na walang serial number.

Sabi ng pamilya, walang kagalos-galos ang motorsiklo pagbalik. Naipakita man kay Mark Anthony ang baril, nangibabaw ang pagkamuhi niya sa mga pulis. Hindi lang dahil itinanim lamang ito, sabi niya. Kalokohan daw ang inilagay na baril. Hindi man kaya ng magkakapatid na Rupillo na magsibili ng mga baril, may alam naman daw sila sa armas.

“Alam namin ’yung dapat mong gamitin sa mga dapat mong itapon,” sabi ni Mark Anthony. “’Yung itsura ng baril, ’pag hinawakan mo, matetetano ka eh.”

Sabi nga niya, hindi tanga si Mario.

Ang huling ebidensya ay isang itim na bag na naglalaman ng 3 plastic sachets ng pinaniniwalaang shabu, 5 pirasong P20, at isang P50, at isang pulang lighter.

“Lahat, hindi sa kapatid ko ’yun, kasi alam namin,” sabi niya. “Hindi sa kaniya ’yun.”

IKA-7 BAHAGI

‘Pinatay na namin’

Lourdes Dacillio

Sina Joshua Cumilang, Rex Aparri, at Mario Rupillo ay naitala sa ulat ng pulisya na mga suspek na napatay ng pulis-Delpan sa mga lehitimong operasyon. Bawat isa sa 3 ay lumaban diumano sa mga pulis gamit ang .38 kalibreng baril na walang serial number. Bawat isa sa kanila ay iniulat na may dalang mga sachet ng shabu.

May pasubali sa mga pangyayaring humantong sa kamatayan ng 36-taong-gulang na si Danilo Dacillio. Sa simula ng Oktubre, dalawang buwan bago siya napatay, dinala siya ng kanyang tiyahing si Lydia Suarez (di niya tunay na pangalan) sa kapitan ng barangay. Pinasuko ni Lydia si Danilo, at sinabihan ang pamangkin na itigil na ang paggamit ng droga. Binigyan pa niya si Danilo ng puhunan para magbukas ng sari-sari store sa gilid ng kalye.

Pero nagpatuloy si Danilo sa pagtutulak ng droga, tumatanggap ng maliit na halaga mula sa kaibigan para sa idinideliber. Nakiusap si Lydia sa kapitan ng barangay na arestuhin si Danilo at ikulong. Natakot siyang mapatay si Danilo. Pumayag daw ang kapitan.

Noong Disyembre 2, mga ika-9 ng gabi, umalis si Danilo sa bahay nila sa North Harbor. Kasama niya ang kaibigang si Panche. Tinawagan ni Lydia ang kapitan para ipahuli si Danilo. Ipinaalala niyang dapat ay buhay si Danilo. Sinabi niyang nakabisikleta ang pamagkin. Itinuro rin niya kung saan siya pupunta at idinagdag na nakaputi si Danilo, at naka-asul si Panche. Tiniyak din niya sa chairman ang direksiyong puwedeng daanan – “Kung hindi ’yan dadaan diyan sa Kagitingan, baka sa Pier 4 ’yan dumaan.”

Sa pagkukuwento ni Lydia, sumang-ayon ang chairman. Tumawag ito makalipas ang isang oras.

“Ate, nakuha na namin,” sabi ng kapitan. “Wala kaming nakuhang droga.”

“Sige po,” sabi ni Lydia. “Ikulong mo na lang."

“Sige, ako ang bahala dito, ’te.”

Isa sa mga kapitbahay ni Lydia ang nagsabing nakita si Danilo sa barangay hall. Hindi nag-alala si Lydia – kumpiyansa siyang ligtas ang pamangkin.

Tumunog ang telepono ni Lydia. Nagpakilala bilang Alvarez ang tumatawag. Kilala siya ni Lydia na pulis mula Delpan.

“Ikaw ba si Lydia?”

“Oo, sir,” sagot niya.

“Ito bang pamangkin mo ay positibo bang gumagamit ito?”

“Sir, oo,” tugon niya. “Sir, ’wag lang ’nyong patayin, ikulong ’nyo kasi walang mag-aalaga sa nanay niya, matanda na.”

“Hindi ako ganoon,” sagot ni Alvarez. Ang pagkaintindi ni Lydia sa sagot ni Alvarez, nangangako itong hindi siya mamamatay-tao. Sinabihan ni Lydia ang nagpakilalang Alvarez na ikulong na lang at pagsasalitain si Danilo kung sino ang kanyang tulak. Hindi na nag-isip pa si Lydia.

Makalipas ng ika-11 ng gabi, may nagbalita sa kanya na isang nakaasul na damit ang napatay sa malapit. At hindi nagtagal, ibang kaibigan ang tumawag. Mayroon daw ikalawang katawan sa may baba ng overpass.

Kung saan raw natagpuan ang katawan ni Danilo Dacillio noong Disyembre 2, 2016.

“Hindi pa rin ako natinag,” sabi ni Lydia. “Magkausap kami ni Chairman at si Chairman ang kausap ko na hindi papatayin. Eh di natulog ako.”

Kinaumagahan, pumunta mismo si Lydia sa Delpan PCP para dalawin si Danilo. Nakita niya si Alvarez pagpasok pa lamang sa presinto.

“Ikaw ba si Aling Lydia?” tanong nito.

“Oo, sir.”

“Pinatay ko na ’yung pamangkin mo.”

“Patay talaga?”

Akala niya na biro lamang. Napanguso siya. Sabay tanong ulit.

Hindi si Alvarez ang sumagot, sabi niya, sa halip ay isa sa mga pulis na nakatayo sa likuran nito.

“Pinatay na namin. ’Wag mo na siyang hanapin.”

Maaaring nasa morge pa ang bangkay niya, sabi nila.

“Hindi ko alam kung ano’ng gagawin ko,” sabi ni Lydia tungkol sa oras na iyon. Umalis siya ng PCP. “Sinisi ko rin ’yung sarili ko, kung bakit ko pa isinuko. Nakaupo ako roon, umiiyak ako.”

Isang pagpatay lamang ang nakalista sa gabi ng Disyembre 2 sa teritoryo ng PS-2 Moriones. Wala sa tala ng pulis ang pangalan ni Danilo Dacillio, o ng kaibigan niyang si Panche.

“...surprisingly subjects suddenly pulled out their handguns and shot the two policemen.”

- Homicide Detailed Report, walang petsa

Batay sa isang detalyadong report na inilabas ng MPD Homicide Section, nagpapatrolya ang ilang elemento ng Delpan PCP nang sitahin nila ang dalawang di kilalang lalaki nang 11:10 ng gabi, Disyembre 2. Itinigil diumano ang dalawa para sa beripikasyon. Maraming tattoo ang isa, at nasa 35 - 40 ang edad. And isa naman ay nasa 25-30 ang edad. Sa di inaasahan, biglang bumunot ng baril ang mga pinaghihinalaan at binaril ang dalawang pulis.

“Dahil nakaramdam silang nanganganib noon din ang kanilang mga buhay,” sabi ng report, “napilitang magpaputok din ang dalawang pulis.”

IKA-8 BAHAGI

Ang ‘demonyo’ ng Delpan

Maraming bansag kay Alvarez. Ang tawag sa kanya ng mga residente ng Road 10, demonyo. Sa Isla Puting Bato, tinatawag siyang mamamatay-tao. Sa may Parola, siya “’yung putang inang mamamatay-tao.” Ayon sa mga saksing humiling na huwag silang pangalanan, si Alvarez ay si PO3 Ronald Buad Alvarez, beat patrolman ng Delpan PCP.

Ilang ulit sinikap ng Rappler na makapanayam si Alvarez. Kahit na inendorso ng kanyang kumander ang hiling na iyon, tumanggi si Alvarez, ipinahatid ang dahilang pinayuhan siya ng kanyang abogado na huwag magsalita.

Maraming testigo ang kumilala sa mukha ni Alvarez mula sa kanyang opisyal na litrato, na ibinigay ng MPD matapos magpadala ng Freedom of Information request ang Rappler. Itinuro ng pamilya Rupillo ang larawan ni Alvarez. Siya raw ang pulis na tinutukoy ng mga kaibigan ni Mario Rupillo nang isiwalat nila ang pagpapahirap. Sabi nila, kilalang-kilala si Alvarez.

Kinilala rin ni Nenita Cumilang, ang ina ni Joshua, ang mukha ni Alvarez mula sa police file photo at sa litrato ni PO3 Ronald Alvarez na kinunan noong 2016. Isa siya sa mga lalaking bumaril sa kanyang anak, sabi ni Nenita.

“Siya si Alvarez,” pagtukoy ni Nenita.

Kinilala rin ni Sara, kapatid ni Joshua, ang larawan. Nakaharap daw niya mismo si Alvarez matapos mapatay ang kanyang kapatid.

“Nakita ko ’yung pumatay sa kapatid ko, doon sa may bungad [ng Isla Puting Bato],” sabi niya. “Nadaanan ko siya doon. Tinawag ako ni Alvarez.”

Sabi niya, kasama ni Alvarez ang mga taong kasama rin nito noong mapatay si Joshua Cumilang. Sinabihan ni Alvarez si Sara na sumuko, dahil gumagamit daw siya umano ng droga. Sabi ni Alvarez, para raw ito sa kabutihan niya. May dala itong mga papeles ng pagsuko, dagdag ni Sara.

Sabi ni Sara, takot na takot siya nang makita si Alvarez, kaya pinirmahan niya ang papeles ng pagsuko.

Itinuro rin ni Rowena Aparri, na naglumuhod para sa buhay ng anak na si Rex, ang kaparehong mga larawan.

“Siya ang tumulak sa akin,” sabi niya. “Siya ang pumatay sa anak ko.”

Si Police Officer 3 Ronald Alvarez, na may badge bilang 125658, ay pulis na itinalaga sa beat patrol ng Manila PS-2 noong Pebrero 10, 2014. Ang nakatala niyang serbisyo sa Philippine National Police ay sa National Capital Region – sa regional office headquarters, sa southern command, at sa northern command. Labintatlong pagkilala ang nakalista sa kanyang personnel record, kasama ang 6 na medalya ng komendasyon, isang medalya ng kagalingan, at dalawang medalya para sa kahusayan sa taong 2015. Walang nakatalang kasong kriminal o administratibo laban sa kanya. Hindi pa siya nasususpindi. Hindi pa siya lumiban nang walang paalam. Hindi pa siya nawawala sa oras ng pormasyon. “Very satisfactory” ang grado niya sa performance evaluation sa kalahatian ng 2012, ang pangalawang pinakamataas na antas na katumbas ng 84.

Kahit na wala siyang sariling social media accounts, meron ang kanyang pamilya. Ang nunal sa kanang bahagi ng kanyang ilong, na nailalarawan ng mga saksi sa krimen, ay kitang-kita sa kanyang mga litrato. Humihihip siya ng birthday cake, nakikipaglaro sa mga apo, kumakanta ng karaoke, nagdiriwang ng mga okasyon. Nakaupo siyang nakatitig sa kamera habang hinahalikan ng asawa sa Bisperas ng Bagong Taon. Ipinagmaneho niya isang araw sa Sofitel Hotel ang kanyang mga anak. Naroon siya sa mga binyagan at pagtitipong pampamilya. Nakatatak sa T-shirt ang pangalan niya, katulad ng kanyang pamilya.

Online, isa siyang ordinaryong tao. Hindi binabanggit ang kanyang propesyon, o ang kanyang pagiging pulis sa halos 20 taon. Mistulang lihim siya ng Delpan, ang lalaking nakaputing T-shirt na may kuwintas na ginto, nagpapakilala bilang pulis at nagpapagala-gala sa mga eskinita, at diumano’y nanghahampas ng palanggana sa ulo ng mga naglalaba.

Sabi ng mga residente, naging ugali niya na ang magpunta sa mga barangay para mangolekta ng protection money mula sa mga kapitan. Sabi ng mga nakatirang malapit sa Delpan PCP, nakapuwesto na roon si Alvarez bago pa nanumpa sa panunungkulan si Pangulong Duterte.

Ayon kay Police Superintendent Arnold Thomas Ibay, kumander ng PS-2 Moriones – na nakakasakop sa presinto ng Delpan – maayos na ipinatutupad ang lahat ng operasyon ng pulisya, kabilang na iyong may mga napapahamak. Sa 11 estasyon sa Maynila, ang Moriones ang may pinakamaraming naaresto sa digmaan sa droga. Sa 3,850 na naaresto sa buong Maynila mula Hulyo 2016, ang 582 ay sa Moriones.

Itinanggi ni Ibay ang mga alegasyon ng pagpapahirap at summary execution sa mismong PS-2 Moriones.

“Basta sa akin ginawa nila ’yung trabaho nila,” sabi ni Ibay. “Kung meron silang pagkakamali, meron namang investigation na iko-conduct ’yung Homicide with regards to the case. Tapos haharap naman sila.”

Ayon sa MPD Homicide, may 45 na pagpatay sa operasyon ng pulisya ang nakatala sa ilalim ng PS-2 Moriones mula Hulyo 1, 2016, hanggang Enero 30, 2017. Pinag-aralan ng Rappler ang spot reports at internal affairs memos ng 27 sa mga kaso. (Ayon sa Manila Police District Homicide Division, hindi pa naisasaayos at wala pa sa archives ang karamihan sa mga report; patuloy pang kinokolekta ang mga ito mula sa iba’t ibang imbestigador.)

Lahat ng mga kaso, ayon sa pulis, ay bunga ng panlalaban ng mga suspek. Hindi bababa sa 13 katao ang hindi napangalanan sa mga report, o kaya naman ay may alyas lang. Hindi malinaw ang pamantayan ng mga pulis kung anong uri ng banta ang kailangan na nilang labanan.

Call niya ’yan eh,” sabi ni Ibay. “Kung in danger na siya, dun na pumapasok ’yung paano protektahan ’yung sarili niya.”

IKA-9 BAHAGI

‘Magpapakamatay sila’

MPD Chief Joel Coronel

Nakatitiyak si Police Chief Superintendent Joel Coronel na walang natanggap na reklamo ang kanyang opisina tungkol sa paglabag sa karapatang pantao kaugnay ng Operation Double Barrel. Sa abot ng nalalaman niya, ang Internal Affairs Service, na nag-iimbestiga kapag may napapatay sa operasyon ng pulisya, ay walang natuklasang anomalya o mga ilegal na pagkilos ng pulis-Maynila.

Matangkad, malinis ang gupit, at matulungin sa mahabang panayam ng Rappler ang direktor ng Manila Police District. Kahit nasabihan na siya sa mga naunang panayam tungkol sa mga akusasyon ng human rights violations laban kay Alvarez, nagulat siya sa alegasyong posibleng may kinalaman ang patrolman sa summary executions. “Not just torture, coercion, or ano?” tanong niya.

Ayon kay Coronel noong kalagitnaan ng Abril, nakatalagang beat patrolman sa Delpan si Alvarez. Dahil sa mga alegasyong iniharap ng Rappler, ipinag-utos ni Coronel na pag-aralan ang mga insidenteng kinasangkutan ni Alvarez.

“I cannot comment on him other than what appears in his record,” sabi ni Coronel, “because I do not know him personally naman eh, so based on the record, kung titingnan ko ’to, [he] is an ideal policeman. I mean not an ideal but he’s ano, what should I say, tawag nito, above average policeman, kasi very satisfactory ’to, based on his record.”

Nang mabanggit ang posibilidad na sangkot din ang ibang pulis, sinabi ni Coronel na maiimbistigahan din ang mga ito. “If it can be established there’s conspiracy among them, so lahat sila, those who are involved in that operation may be held accountable for murder.”

Humiling din ang Rappler na makapanayam ang 7 pulis-Delpan na pinangalanan sa spot reports sa pagpatay kina Joshua Cumilang, Rex Aparri, at Mario Rupillo. Ipinahatid nila ang pagtanggi sa pamamagitan ni Kumander Ibay ng PS-2 Moriones.

May pagkakataong biglang napapatawa si Coronel, lalo na kapag ikinukuwento sa kanya ang mga reklamo laban kay PO3 Ronald Alvarez. Napapahagikgik siya nang naikuwento sa kanya na ipinagyayabang daw ni Alvarez ang mga napapatay nito, at napapabungisngis din habang binabasa niya ang sinasabing panlalaban ni Rex Aparri sa mga pulis. Sinabi niyang puwedeng sampahan ng mga kasong kriminal at administratibo ang mga pulis na lumalabag sa karapatang pantao, pero baka naman iba ang nangyari, aniya.

“Baka patay na, binaril pa ni Alvarez,” sabi niya habang nakangisi. “Hindi ko kasi alam, baka p’wedeng ganoon. Patay na, pinagbabaril din ni Alvarez,” napahinto siya at natawa muli. “Kaya siguro nakita noong witnesses. No, I’m not one to joke about this. Sorry, ha,” sabi niya, sabay tanggal ng kanyang salamin.

Taas-noo sa paglilingkod ng kanyang distrito ang hepe ng MPD. Sa ilalim ni Duterte at ng unang salta ng Project Double Barrel, sabi ni Coronel, kumikilos ang MPD sa kanilang sariling awtoridad. Nawala na raw ang dating patakaran na kailangan pang humingi ng pahintulot mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Kahit sino ay nakakakilos na sa mga operasyon kontra droga, sabi niya, pati beat patrollers. Pagkatapos na ng operasyon sila kailangang mag-ulat sa PDEA.

Pinasinungalingan ito ng PDEA. Sinabi nito sa sulat sa Rappler na walang nagbago sa alituntunin sa koordinasyon.

“I believe we are successful,” sabi ni Coronel tungkol sa digmaan laban droga. “We’re trying to win it, but this time, we have the upper hand in this war.”

Tumaas ang bilang ng mga operasyon laban sa ipinagbabawal na droga. Bumababa ang suplay ng droga, pati ang dami ng krimen, liban sa homicide. Naabot ng lungsod ang kota ng dapat mapasuko – 46,764 ang naitala mula Hulyo 1.

“Hindi naman lahat [ng suspek] sa MPD napapatay,” sabi niya. “We have more arrests than killed.” Ang 368 na napatay mula Hulyo, sabi niya, ay wala pa sa 10% ng mga naaresto.

Hindi nagulat si Coronel sa mga napatay. Paliwanag niya, inaasahang lalaban ang mga suspek sa droga.

“Wala na, talagang magpapakamatay na ’yan para sa hawak nilang drugs,” sabi niya. “I’m sure inutang na nila ’yan. Buhay na nila kapalit d’yan at sisingil na sila ng buhay ng mga traffickers. No different from Mexicans and Colombians.”

IKA-10 BAHAGI

‘Ginusto nila’

Noong Marso 29, matapos magsimula muli ang digmaan kontra-droga, sinabi ni Presidente Rodrigo Duterte na ang mga pulis na nakasuhan ng pagpatay sa mga suspek sa droga ay bibigyan ng kapatawaran kung sila ay aamin. Tinutukoy niya ang kaso ng 19 na pulis na kinasuhan ng National Bureau of Investigation kaugnay ng pagpatay sa alkalde ng Albuera, Leyte, na si Rolando Espinosa.

“Sino paniwalaan ko? ’Yung witnesses na mga preso o mga pulis ko? O, di ’yung pulis ko,” pahayag ng Pangulo. “Now they have been charged with murder. I will support them. Walang problema.”

Abot sa 21 ang saksi sa maraming insidente sa ilang lugar ang nagsasabing si PO3 Ronald Alvarez, kasama ang ilan pang pulis, ay responsable sa hindi bababa sa 5 kaso ng summary execution na tinatawag ng pulis na lehitimong operasyon. Ang mga saksi ay mula sa Islang Puting Bato at Parola, ang mga lugar na ayon kay Precinct Commander Rexson Layug ay napakagulo.

Nakapanayam ng Rappler ang mahigit sa 40 tao sa loob ng 3 buwan para sa istoryang ito at pinag-aralan ang kaukulang police reports, laboratory results, at iba't ibang ulat para maimbestigahan ang mga napatay sa operasyon ng pulis sa nasasakupan ng PS-2 Moriones.

Ilang mga saksi ang umatras sa kanilang pagtatapat dahil sa takot na balikan sila ng awtoridad. Hindi sila isinama ng Rappler sa report na ito. Mayroon mang mga saksi na humiling ng pagpapalit ng kanilang pangalan, sina Jimmy Walker, Nenita at Sara Jane Cumilang, Rowena at Nelson Aparri, at Mark Anthony at Loreta Rupillo ay sumang-ayong mapangalanan sa report na ito. Karamihan sa kanila ay pumayag kunan ng larawan. Ilang ulit silang nakapanayam ng Rappler na hiwalay sa isa’t isa.

Naniniwala ang mga residente ng Parola at Isla Puting Bato na alam nila ang pangalan ng pumatay. Naaalala ni Nenita Cumilang ang baril na itinutok sa kanyang bibig. Hawak ni Loreta Rupillo ang larawan ng anak niyang lalaki, bago tingalain ang abo nito. Binabanggit, at patuloy na babanggitin, ni Rowena Aparri ang pangalan ng pumatay, dahil iyon lang ang maaari niyang gawin para sa anak na hindi niya naipagtanggol. Natatakot si Lydia Suarez para sa kanyang buhay, dahil kung pumatay nang minsan si Alvarez, kaya niya pumatay muli.

Ang digmaan ay nagsimula noong bisperas ng Hulyo 1, 2016. Ilang oras matapos manumpang pangulo, tumayo si Rodrigo Duterte sa Delpan Sports Complex at nagbigay ng babala.

"Kaya kayong mga droga, tapos na ako nag-warning no’ng eleksyon,” sabi niya. “Kung ano’ng mangyari sa inyo – makinig kayong lahat, baka kapatid mo ’yan, asawa mo, kaibigan mo, anak mo – ipapasabi ko na sa inyo, walang sisihan. Sinabi ko na sa inyong huminto kayo. Ngayon, ’pag may mangyari ho sa kanila, ginusto nila ’yan. Ginusto nila.” – Rappler.com

Editor's note: Salin ito ng orihinal na bersiyon sa Ingles. Isinalin din sa Filipino ang spot reports ng pulis upang higit na maintindihan. Hindi binago ang mga direktang sinabi sa Ingles ng mga nakapanayam.

THE IMPUNITY SERIES

STORY
Patricia Evangelista, with reporting by Kimberly dela Cruz, Rambo Talabong, and Jodesz Gavilan
PHOTOGRAPHY AND VIDEO
Carlo Gabuco / Magnum Foundation
DESIGN
J.Y., Jenny Ma, and Bryan Young
ENGINEERING
Dominic Gabriel Go and Kris Karras
EDITORIAL SUPERVISION
Glenda Gloria and Chay Hofileña

COMMENTS